Bilang ng healthcare workers na may COVID sa Tala Hospital, bumababa
ABS-CBN News
Posted at Jan 19 2022 07:52 AM | Updated as of Jan 19 2022 08:03 AM
MANILA – Bumababa na ang bilang ng mga health workers na tinatamaan ng COVID-19 sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital sa Tala, Caloocan, ayon sa isang opisyal nito.
“Sa ngayon po bumaba na ho yung cases ng healthcare workers na infected. Dati umabot kami ng mga 600 eh. Ngayon eh 298 na lang po,” sabi ni hospital director Dr. Alfonso “Fritz” Famaran.
Ani Famaran, hindi naman kinailangang magsara ng ilang bahagi ng ospital dahil nagpadala ng dagdag na tauhan ang Department of Health para tulungan ang operasyon ng ospital.
Kuwento rin ng doktor, meron sila ngayong 261 na kaso ng COVID-19 sa kanilang ospital.
“Yung moderate cases ho nasa 246 patients, severe cases 8, critical cases nasa 7 po,” ayon sa kanya.
Sabi pa ni Famara, bumababa na rin ang admission rate para sa COVID-19 sa kanilang ospital.
“Medyo lumuwag lang ho kami ngayon, last 2 weeks ago, medyo mataas ho yung aming admissions rate per day, nasa 25-30 admissions per day. Sa ngayon nasa 15-20 na lang per day po,” dagdag pa niya.
Sapat pa rin sa ngayon ang supply nila ng mga gamot para sa mga pasyenteng may COVID-19, ayon kay Famaran.
Nakapagtala ang Pilipinas ng 28,471 na bagong kaso ng COVID-19 nitong Martes. Sa kabuuan, nakapagtala na ang bansa ng 3,270,758 kaso ng COVID.
--Teleradyo, 19 January 2022
COVID-19,coronavirus