PatrolPH

2 lalaki huli sa pagbebenta ng pekeng gamot sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2022 09:32 AM | Updated as of Jan 19 2022 10:00 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA—Timbog ang 2 lalaki na nahuling nagbebenta ng mga pekeng gamot sa Quezon City.

Ayon kay National Capital Region Police Office chief Vicente Danao Jr, nagkasa ng entrapment operation ang Northern Police District-District Special Operations Unit kasama ang Quezon City Police District at Food and Drugs Administration laban sa isang sales agent. 

Napag-alaman sa intelligence report na malawakan umano ang pagbebenta ng mga pekeng gamot ng suspek.

Bumili na ang operatiba ng gamot sa suspek at sa pagsusuri umano ng FDA ay peke ang mga gamot. Kaya nagsagawa na ng buy-bust entrapment operation at nakipagkita sila sa BF Road sa Barangay Holy Spirit.

Hinuli na ang 47 anyos na sales agent at pati ang 1 umanong kasabwat ay dinakip din. Nakuha sa 2 ang kahon-kahon ng mga gamot na pinaniniwalaang peke. 

Karamihan sa mga gamot ay gamot para sa lagnat, ubo, sipon at sakit ng ulo gaya ng paracetamol. Higit isang daang kahon ng mga gamot na nasabat ay may tatak ng mga sikat na brand. Aabot sa higit P109,000 ang halaga ng mga gamot.

Inaalam na ng mga pulis kung may kasabwat pa ang 2 suspek at kung saan ginawa ang mga gamot na base sa inisyal na imbestigasyon ay mula pa abroad.

Umaapela si Danao sa publiko na bumili ng gamot sa mga lehitimong pharmacy o drug store para na rin sa kaligtasan ng lahat.—Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.