Generator set o solar panel, hiling ng paaralang nasalanta ng bagyo sa Catanduanes

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2021 02:10 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Humingi ng tulong ang isang paaralang nasalanta sa bayan ng Bato sa Catanduanes para magkaroon ng supply ng kuryente sa kanilang eskuwelahan na nasalanta ng bagyo.

Anila, malaking tulong kung magkakaroon sila ng generator set o solar panel.

“Kasi po ang solar panels mas long term po saka sustainable po. Kung sakaling magkaroon ng ganyang mangyayari, mayroon na kaming magagamit tulad ngayon na kailangan na naming mag-print, kung saan-saan kami nakakarating para makapag-print lang po,” ayon kay Marshall Tito, teacher-in-charge ng Bagumbayan Elementary School.

Nalubog sa baha ang paaralan nang umapaw ang katabing ilog noong bagyong Rolly.

Wala pa ring kuryente sa lugar na nagpapahirap sa modular learning ng kanilang mga estudyante.

Problema rin ng paaralan ang kakulangan sa guro. Apat lang silang naghahati-hati sa 63 estudyante. Mabuti na lang at mayroon silang dalawang learning support aide o parateachers para bisitahin ang 7 sa 15 estudyante ng kanilang paaralan na medyo hirap sa pag-aaral.

Para dagdagan ang kanilang supply para sa modules, nagdala ang Bayan Mo iPatrol Mo at Kabayan sa TeleRadyo ng 50 reams ng coupon bonds sa pamamagitan ng programang “Papel Mo sa Kinabukasan ko”.

Kasama nito ang mga hygiene kit, pagkain at inumin mula sa Sagip Kapamilya ng ABS-CBN Foundation.

- TeleRadyo 19 Enero 2021