PatrolPH

DFA: 2,700 passports hindi nai-deliver dahil sa maling address

Davinci Maru, ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2022 11:35 AM | Updated as of Jan 18 2022 11:45 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA—Nasa 2,700 passports ang hindi pa nai-deliver ng ilang courier services dahil hindi kompleto ang address na inilagay ng mga aplikante, ayon sa Department of Foreign Affairs.

Sa panayam sa TeleRadyo Martes, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Brigido Dulay na prinoseso ang mga passport na ito sa kanilang temporary off-site passport services sites.

"Marami dun sa mga kumukuha ng passport natin pag naga-apply sila ay meron diyan hindi naman ganun kalaki ang porsiyento pero kung minsan umaabot ng mga 3-5 porsiyento ng aming aplikante ay kung minsan 'yung kanilang address ay hindi nakokompleto kaya hindi nahahanap ng ating courier," aniya.

Ani Dulay, sinusubukan ng courier na ihatid ang passport sa mga aplikante ng 3 beses. Tinatawagan din aniya ng mga courier ang aplikante sa kanilang inilagay na contact number at email address. Isasauli na ito sa DFA kung hindi pa rin sasagot ang aplikante.

Sabi ni Dulay, puwedeng ma-pick up ang mga passport sa kanilang designated claiming sites. Kailangan lang munang mag-email ng aplikante sa DFA bago pumunta roon.

Pansamantalang sarado ang DFA consular offices hanggang Enero 20 dahil sa COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.