Ilang aplikante, dismayado sa 'passport on wheels' sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2018 10:31 PM | Updated as of Jul 11 2019 12:26 PM

Watch also in iWantTFC

Nagalit ang ilang dumayo sa "passport on wheels" ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Manila City Hall.

Nagkasabay-sabay at nagkalituhan kasi ang mga walk-in applicant at ang mga aplikanteng nakapag-register na online sa website ng DFA.

Karamihan sa mga aplikante, madaling araw pa lang ay nakapila na sa labas ng city hall.

Pero tirik na ang araw, hindi pa rin nakakausad sa pila.

Magulo ang pila at halos hindi na malaman kung saan ang umpisa at dulo nito.

Kaya kasabay ng mainit na panahon, nag-init din ang ulo ng mga aplikante. Sa inis, kinalampag na ng ilang aplikante ang gate ng Manila City Hall

"Nag-announce po si Senator Cayetano no'ng Monday na magkakaroon dito sa Manila City Hall ng passport on wheels. Umasa po kami lahat doon, " paliwanag ng aplikanteng si Zarina Dalino. "Pagdating namin dito, parang hindi coordinated sa city hall."

Reklamo pa ng mga aplikante, hindi organisado ang pila at wala ring nagsabi sa kanila na hindi puwede ang mga walk-in applicant.

"Ang aasikasuhin daw nila ay 'yong naka-appointment daw po," reklamo ng isa pang aplikanteng si Napoleon Alvarez. "Kami kanina pa nila niloloko, punta rito punto doon, umulan, umaraw inabot kami, ni wala kasiguraduhan. Walang bumababa sa kanila."

Depensa naman ng Manila City Hall, nag-anunsyo na sila na tanging ang mga aplikanteng may ipinasang application form sa kanila simula noong Enero 5-10 ang puwedeng ma-accommodate sa passport on wheels ng DFA.

"Gusto po namin silang lahat ma-accommodate, pero kung di naman makiki-cooperate, di tayo magtutulungan, lalo po tayong tatagal, lalong gugulo," sabi ni Joel Chua, secretary to the vice mayor ng Maynila.

Napapunta naman ang ilang tauhan ng DFA nang malaman ang sitwasyon sa pila ng passport on wheels sa Manila City Hall.

"Kapag mobile, hindi puwedeng walk-in yan, kasi kapag walk-in 'yan, magulo, magulo ang sistema. Dapat mayroong naka-enroll 'yan, naka-register 'yan," sabi ni DFA consular affairs assistant secretary Frank Cimafranca.

Payo ni Cimafranca, kung plano ng mga aplikante na mag-walk-in, kumonsulta muna sa lokal na pamahalaan.

Para masilbihan ang mga nag-walk-in, kinuha na lamang ng mga taga-DFA ang kanilang mga application form. 

Pero nilinaw ni Cimafranca na beberipikahin pa ito bago tuluyang mabigyan ng appointment para sa passport. 

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.