PatrolPH

Babae patay sa banggaan ng motorsiklo, trailer truck sa Malate

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2022 06:40 AM

Watch more News on iWantTFC

Dead on arrival sa ospital ang isang 45 anyos na babae na lulan ng motorsiklo na bumangga sa isang truck sa Malate, Maynila nitong Linggo.

Naka-angkas sa motorsiklo ang biktimang kinilalang si Jennifer Bulong, residente ng Quezon City. Minamaneho ito ni Nonie Luig.

Sa imbestigasyon, binabaybay ng motorsiklo ang southbound lane ng Taft Avenue.

Pagdating sa kanto ng Pedro Gil Street, bumangga ang harap ng motosiklo sa likurang bahagi ng isang trailer truck na nasa parehong lane.

Sa lakas ng salpukan, tumilapon ng ilang metro ang driver at angkas ng motorsiklo bago bumagsak sa kalsada.

Bagamat sa harap lang ng Philippine General Hospital nangyari ang insidente, hindi na umabot nang buhay ang babaeng angkas dahil sa tindi ng pinsala sa kanyang katawan.

Sugatan din ang driver na itinakbo rin sa ospital.

Kasalukuyan pang iniimbestigahan ang insidente pero nasa kustodiya ng Manila District Traffic Enforcement Unit ang driver ng trak na maaaring kasuhan ng homicide, physical injury, at damage to property.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.