Pagtaas sa singil sa tubig dahil sa Manila Bay Clean-up sa 2022 pa: MWSS

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2019 12:29 PM

Watch also in iWantTFC

Nilinaw ni Reynaldo Velasco, administrator ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), na sa taong 2022 pa ang pagtaas sa singil sa tubig habang tumutugon ang ahensiya sa Manila Bay clean-up.

"Walang increase ngayon so huwag matakot 'yung mga tao. Natapos na rebasing niyan," sabi ni Velasco sa panayam sa DZMM Miyerkoles ng umaga.

Ayon kay Velasco, hanggang taong 2037 pa umano matatapos ang programang waterways treatment plants ng ahensiya.

"Ang gusto ng taskforce i-advance 'yan sa 2026, meaning maraming gagawin pa beyond 2026 na ikakarga pa sa next rebasing that is 2022 to 2026. So 'yung increase dyan, maguumpisa pa sa 2022," paliwanag ni Velasco.

Depende pa rin umano ito sa kung alin sa mga programang papasok sa business plan ng dalawa nitong concessionaire--Maynilad at Manila Water--para maka-comply sa mandamus ng Korte Suprema.

“Perhaps it may not be 100 percent yung compliance d'yan but we have to comply because that is part of the mandamus," sabi niya. 

Kasama ang MWSS sa mga ahensiya ng gubyerno na ipinaguutos ng Korte Suprema noong 2008 na linisin ang Manila Bay at muling ibalik ang ligtas na kalidad ng tubig nito na maaring malanguyan.

Taong 2037 din umano matatapos ang concession agreement nito sa Manila Water at Maynilad.

-- DZMM, 16 January 2019


 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.