PatrolPH

Kotse ni Boy 2 Quizon nabangga ng van sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2021 07:17 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Nabangga ng isang van ang kotse ng aktor na si Boy 2 Quizon sa Quezon Avenue, Quezon City Biyernes ng madaling-araw.

Wasak ang likurang bahagi ng sasakyan ni Quizon nang banggain ng puting van alas-3 ng madaling-araw. Wasak din ang harapang bahagi ng van na mimaneho ng isang babae.

Kuwento ni Quizon, galing siya sa bahay ng kaniyang tita at papunta sana sa Timog Avenue nang mangyari ang insidente.

Pa-U-turn na siya sa may bahagi ng Quezon Avenue at Banawe area nang mabangga ng van.

Hindi naman nasugatan si Quizon, na apo rin ng yumaong aktor na si Dolphy, at kasamahan nitong babae.

Sa ngayon, nakatakdang mag-usap sa opisina ng Quezon City Traffic Sector 1 ang mga sangkot sa insidente.

Ayon sa mga imbestigador, aminado ang babaeng drayber na nakatulog siya habang bumabaybay sa Quezon Ave.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.