Empleyado ng hotel sa Pampanga, nagsauli ng bag na may lamang P130,000

ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2022 08:57 AM

Watch more on iWantTFC

MANILA -- Hinahangaan ngayon ang 27-anyos na empleyado ng isang hotel sa Mexico, Pampanga matapos niyang magsauli ng isang bag na may lamang pera sa may-ari nito.

Pitong buwan palang nagtatrabaho bilang room guide si Arjay Montemayor, pero nasubok ang kanyang kabutihan nang isauli ang naiwang bag ng isang guest na nag-checkout lang sa kwarto noong Enero 4.

Kwento ni Montemayor, nakita niya ang bag sa tabi ng isang mesa.

"Nung lumabas na po yung guest iche-check ko po yung kwarto niya, habang chinecheck ko po yung mga kagamitan sa kwarto, napansin ko nga po yung bag na nasa tabi po siya ng lamesa, nasa baba po. napasnin ko nga po yung bag niya nas nakasilid sa gilid ng lamesa."

"Kung mabilisang tingin po hindi natin makikita dahil nga po nakasilid doon sa gilid ng lamesa," aniya.

Kaagad na nagpasama sa isang room attendant si Montemayor para ipasa ang bag na may lamang pera sa kanilang supervisor.

Sa kanilang pagbibilang, nasa P130,000 ang laman ng bag.

"Kahit po mahirap ang buhay ngayon, 'di ko po naisip na kuhanin o itago man yung perang iyon, dahil hindi opo pinaghirapan, hindi po siya masarap gastusin kung sakali man po na di mo naman po pinagpaguran. Wala pong kapupuntahan na maganda, wala pong saysay," aniya.

Abot langit naman ang pasasalamat ng may-ari ng bag, na napag-alamang gagamitin ang pera para magpasahod ng kanyang mga empleyado.

Nang i-post ng hotel sa kanilang Facebook page ang kuwento ng katapatan ni Montemayor, inulan ito ng papuri at paghanga.

"Ipinost ko san Facebook para naman at least kahit papaano marecognize yung empleyado natin na talaga namang mapagkakatiwalaan sa ganitong mga bagay," ayon kay Mar de Jesus na sector head ng hotel. 

Tila nasusuklian naman na ang kabutihang ipinakita ni Montemayor. Mula sa pagiging project employee status, ngayon, inaasikaso na ng hotel ang kanyang pagiging probationary employee. 

Mabibigyan din siya ng plaque of recognition kasama ang lunch treat para sa kanyang buong pamilya, bilang pagkilala sa kanya ng pamunuan ng hotel.

--ulat ni Gracie Rutao