PatrolPH

Ilang vaccination sites sa Mandaluyong pansamantalang isinara

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2022 11:12 AM | Updated as of Jan 13 2022 11:23 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Limitado muna ang bakunahan sa Mandaluyong City matapos isara ang karamihan sa vaccination sites sa lungsod simula Huwebes.

Ayon sa Mandaluyong City Public Information Office, nagka-COVID kasi ang ilang miyembro ng kanilang vaccination team.

Ang mga close contact naman ay naka-quarantine na rin, kaya isang vaccination site lang ang kayang buksan para sa mga magpapabakuna.

Hanggang Sabado isasara ang vaccination sites para bigyang-daan ang disinfection at recovery ng mga nagpositibong frontliner.

Tanging ang Unilab Bayanihan Vaccination Site sa Barangay Highway Hills ang bukas hanggang Biyernes, Enero 14.

Mga magpapaturok ng second dose ng Moderna ang naka-schedule Huwebes ng umaga, habang booster shots naman ang naka-schedule mula ala-1 hanggang alas-5 ng hapon.

Para sa mga dapat sanang magse-second dose sa mga araw na sarado ang vaccination sites, antabayanan lang ang vaccination schedule na ipo-post sa Facebook page ng Mandaluyong City PIO, sabi nito, dahil inaasahang muli nang bubuksan ang mga bakunahan sa Lunes.

Sa huling tala ng Mandaluyong City Health Department, may 1,690 active cases na binabantayan ngayon sa lungsod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.