Street party at prusisyon, ipinagbawal sa Maynila sa kapistahan ng Sto. Niño

ABS-CBN News

Posted at Jan 13 2021 12:14 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Bawal ang malawakang mga aktibidad sa Tondo at Pandacan sa Maynila ngayong weekend. Ang parehong lugar ay magdiriwang ng Kapistahan ng Poong Sto. Niño na taun-taon ay maraming dumadalo.

Pumirma na ng Executive Order si Mayor Isko Moreno na ipinagbabawal ang kahit na anong uri ng mass gathering sa mga kalsada kabilang dito ang prusisyon, mga palaro o games, beauty contest, stage plays, concert at iba pang mga aktibidad sa mga kalsada.

Mahigpit rin na ipinatutupad ang curfew at liquor ban.

Taun-taon mala-pyesta ang sitwasyon sa Tondo at Pandacan dahil parehong patron nila ay si Sto. Nino.

Pero nag-anunsyo na ang Sto. Niño de Tondo Church na wala silang prusisyon at motorcade, ganun din ang Sto. Niño de Pandacan.

Wala munang malakihang gawain bukod sa mga misa. Kakaiba din ngayon sa simbahan ng Pandacan dahil nasunog ito noong Hulyo at halos walang natira. Pati ang makasaysayang imahen ng Sto. Niño de Pandacan ay nadamay rin. Kaya ito rin ang unang beses na pyesta sa Pandacan na nasa labas lang sila muna ng simbahan.

- TeleRadyo 13 Enero 2021