Pagsunod sa physical distancing, hamon sa Pista ng Itim na Nazareno

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2021 04:09 PM

Watch also in iWantTFC

MAYNILA - Umapela ang Hijos de Nazareno Central sa mga kapwa deboto na sumunod sa mga nakalatag na patakaran para sa paggunita sa pista ng Itim na Nazareno sa Sabado sa gitna na patuloy na COVID-19 pandemic.

“Importante d'yan kung papaano nating magagawa ang social distancing. Alam n'yo naman na kapag a-9 ng Enero ang mga tao dito halos dikit-dikit na ang katawan,” pahayag ni Eugenio Jongco, pangulo ng grupo, nitong Biyernes.

Milyon-milyong deboto ang dumadalo sa taunang Traslacion ng poon, na ngayong taon ay kanselado dahil sa pandemya. Tuloy naman ang ilang misa bilang paggunita sa kapistahan.

Sa panayam sa TeleRadyo, humingi ng tulong si Jungco sa lahat ng deboto na magkaisa para maging maayos ang paggunita sa araw ng Itim na Nazareno. 

“Sana naman po sundin natin 'yung mga alituntunin, 'yung mga patakaran para naman po sa kapakanan ng pangkalahatan ng deboto na ‘di po tayo magkaroon ng COVID-19,” sabi niya.

Sabi ni Jongco, magkakarooon ng pila sa Carlos Palanca Street papasok sa kalye Villabos. 

“May mga marker na tutungtungan para ‘di magdikit-dikit,” sabi niya.

Sa kanto ng Villalobos magsasagawa umano ng health protocol check tulad ng pagkuha ng temperatura at paniniguradong nakasuot ng face mask at face shield ang mga deboto.

“Siguro po ito ay isang pagsubok sa atin ng Poong Nazareno kung hanggang saan ang ating katatagan, kung hanggang saan ang ating pananalig,” pananaw niya.

Payo naman niya sa kapwa deboto na hindi lamang sa pagdalo sa prusisyon maisasakatuparan ang debosyon sa Nazareno.

“And'yan 'yung 9 na araw na novena para sa kaniya. 'Yung pagsimba sa araw a-9, 'yung pagtanggap ng Banal na Eukaristiya— ito ang mga gawaing dapat sundin ng mga deboto ng Poong Nazareno,” sabi niya.

- TeleRadyo 8 Enero 2021