PatrolPH

Kulang-kulang na laman ng balikbayan box, inireklamo

ABS-CBN News

Posted at Jan 08 2019 01:49 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Dismayado ang isang 78 anyos na babae sa pagkawala ng ilang gamit mula sa dumating na balikbayan box mula sa Texas sa Estados Unidos. 

"Pati diaper ko nawala? Natawa na lang po ako," ayon kay Nenita Ramillano.

Tatlong buwang nagbakasyon sa Texas si Ramillano at habang nandoon ay ipinadala niya ang ilang naipong gamit papuntang Pilipinas noong buwan ng Agosto.

Dumating naman ang bagahe noong Disyembre, pero dismayado siya dahil mukhang pinag-interesan pa iyon dahil nawawala na ang ilang mga gamit.

"'Di ko na matandaan lahat ang laman pero pagbukas ko sabi ko bakit ganito parang pipe, binuksan. Nawala pati diaper pang matanda, wall clock, vitamins, saka mga Christmas decor," kuwento ni Ramillano.

Agad niyang ipinagbigay alam ito sa kompanya kung saan niya ipinadala ang balikbayan box pero wala siyang makuhang kongkretong sagot mula sa kanila.

Dahil dito, inilapit ni Ramillano ang problema sa Lingkod Kapamilya sa DZMM para matulungan siya. 

"Para sa bahay ko inipon ko doon. Nagtataka po ako sa kanila lang nangyari. Marami po akong boxes na ipinadala, nakarating naman nang maayos," sabi niya. 

Napag-alaman naman ng Lingkod Kapamilya na iniimbestigahan na ng kompanya ang reklamo ni Ramillano at nangakong ire-refund ang halaga ng mga nawalang bagay mula sa balikbayan box.
- DZMM, Lingkod Kapamilya 8 January 2019
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.