85 pct ng COVID cases sa Lung Center, hindi fully vaccinated

ABS-CBN News

Posted at Jan 04 2022 01:05 PM

Watch more on iWantTFC

MANILA – Mabilis na tumaas ang bilang ng mga pasyenteng may COVID-19 sa Lung Center of the Philippines, ayon sa pulmonary medicine specialist nitong si Dr. Norberto Francisco.

“The past two or three days malaki ho talaga yun tinaas. Kasi ho yung umpisa, ay naglalaro lang between five to eight COVID patients ang laman ng hospital, ganoon lang kakonti.”

“Siguro, for the whole month of December, malamang mga ganoon lang ho naglalaro lang eh. Five, eight, bababa na naman, tataas nang konti, hindi ho lalagpas ng mga 10,” kuwento ng doktor.

“And then the past two days, nag-jack up to 15, the following day nag-25, and then today, this morning, 30. So, clearly we are seeing the increase in cases over the past few days only,” aniya.

Ani Francisco, may 56 na kamang nakalaan para sa mga pasyenteng may COVID sa kanilang ospital.

“’Pag kasagsagan ho ng COVID pumapalo yan ng mga 150 beds or about, so we have all the room to expand. But of course pinagdadasal natin na wag nang mangyari ‘to no, dahil mahihirapan na naman tayo.”

“So kung dumadami po ang kaso ng COVID pero hindi naman nangangailangan ng healthcare resources or hindi kailangan mahospital ang karamihan, eh sana ganoon na lang,” aniya.

Dagdag pa ni Francisco, karamihan sa mga pasyente nila sa ospital ay hindi bakunado.

“Yung mga kaso pong nasa ospital, up to 85 percent nila ang mga hindi fully vaccinated.”

Kamakailan lang ay sumipa ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas sa gitna ng banta ng omicron variant. 

Nakapagtala ang Pilipinas ng 4,084 bagong kaso ng COVID-19 nitong Lunes. Umabot sa 20.7 ang positivity rate sa bansa.

Patuloy na ipinapayo ng mga eksperto ang pagbabakuna para makaiwas sa malalang pagkakasakit dulot ng novel coronavirus.

--TeleRadyo, 2 January 2022