Lalaking namamasada, inagawan ng tricycle sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jan 02 2018 11:51 AM

Watch also in iWant or TFC.tv

Inagawan ng tricycle habang namamasada ang isang menor de edad sa Sampaloc, Maynila nitong Lunes ng gabi.

Sa kuha ng CCTV ng barangay, mag-a-alas-11 ng gabi nang makitang bumaba ang isang lalaki na nakasakay sa isang tricycle sa Buenos Aires Street.

Sa kuha ng ibang video, makikita na ang lalaking naglalakad papalapit sa kahihinto pa lamang na tricycle na minamaneho ng 17-anyos sa may Altura Street. 

Agad namang inagawan ng suspek ang biktima at pinagbantaan pa ang buhay nito.
 
Mabilis na pinaandar ng suspek ang inagaw na tricycle patungo sa kalyeng malapit sa riles.

Nakilala ang suspek na si Gonzalo Bautista, alyas Jonjon. Siya umano ang dating nagmamaneho ng ninakaw na tricycle, pero sinibak na siya ng may-ari ng tricycle bago pa mag-Pasko.

Ayon naman sa Manila Police, posibleng suspek din sa panghoholdap sa isang computer shop sa Lacson Avenue si Bautista. 

Ang nasabing tricycle pa umano ang posibleng ginamit sa panibagong panghoholdap.

Patuloy naman ang follow-up operation ng pulisya sa suspek. – Umagang kay Ganda, 2 January 2018

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.