Mt. Bulusan spews ash anew

Posted at May 13 2011 10:19 PM | Updated as of May 14 2011 06:19 AM

Wala namang mga inilikas na mga residente pero nabalot ng abo ang ilang mga barangay sa paligid ng bulkan.

Ito ang eksena kanina sa Juban, Sorsogon. Animo'y sinabuyan ng semento ang national highway dahil sa abo.

“Narinig ko parang ugong ng eroplano eh. Tapos sabay putok na ang lakas,” sabi ni William, residente.

Nasa alert level one pa rin ang bulkan at may naitatala pa ring pagyanig sa paligid nito.

“May possibility dahil active ang volcano,” sabi ni Crispulo Diolata, science research specialist sa Phivolcs.

Nagsimulang mag-alburoto ang bulkang Bulusan noong Nobyembre 6, 2010.

Noong Pebrero ang pinakahuling pagputok nito.

Sa Barangay Bacolod, ilan sa mga residente ang umakyat pa sa bubungan para alisin ang abo.

Hindi pa nga sila natatapos makabawi sa pinsala ng bagyong Bebeng, heto naman ulit ang perwisyo ng Bulusan.

Nabalot din ng abo ang ilang palayan at taniman na una nang nalubog sa baha.

“Masisira ang pananim tapos ang mga talbos mamamayat at baka mawawalan na ng buhay,” sabi ni Dione Enteria, magsasaka.

Nababahala rin sila para sa kalusugan ng kanilang mga anak. Ilang bata kasi ang inuubo at sinisipon na.

“Natatakot po ako baka lumala pa ang hika ng anak ko,” sabi ni Mary Grace, residente.

Kanina, nag-aerial survey ang mga taga Office of the Civil Defense sa Bicol.

Ayon sa OCD, bagamat mas kaunti ang ibinugang abo ay posibleng magdulot pa rin ito ng lahar sakaling magkaroon ng sunud-sunod na pag-ulan.

Pinapayuhan ng Phivolcs ang mga residente na huwag pumasok sa itinalagang 4 kilometer danger zone.