Bulusan ashfall spurs health, crop problems

Posted at Nov 09 2010 11:07 PM | Updated as of Jan 17 2017 05:59 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Kabayan, muling bumuga ng abo ang Bulkang Bulusan. Kaya kahit mga residente sa ilang barangay na malayo sa bulkan apektado ng ashfall.

Sampung kilometro ang layo ng set-up ng news team sa paanan ng Bulkang Bulusan. Pero kahit malayo, kitang-kita ang pagbuga ng makapal na abo at usok mula sa bunganga ng Bulusan mag-a-alas-4 ng hapon kanina.

Paglipas ng 10 minuto, bumagsak na ang ashfall sa ilang barangay sa bayan ng Irosin. Sa Barangay Tinampo, agad sinuspinde ang klase.

"[Bumuga] na po iyong asupre... pagtingin ko po sa taas, natamaan po iyong mata ko, masakit po," ani John Lagumila, estudyante.

Binagsakan din ng mga abo pati mga bahay. Hagip pati karatig-barangay ng Cogon. Nabalot ng ashfall ang kalsada. Meron ding nagkumahog kumuha ng tubig na maiinom bago ito mahaluan ng abo.

Pero si Aling Lea Balidong, nababahala sa kalusugan ng anak dahil sa nalalanghap niyang abo. Problemado rin siya lalo't mapipinsala ang mga panananim niyang gulay.

"Natatakot kami kasi 'yung ubo pati 'yung mga pananim namin, hindi kami basta-basta makakain gawa nang ang gulay, hindi maluluto," ani Aling Lea.

Pinalala pa ang sitwasyon nang umambon. Kaya pati payong napuno ng abo. Nagsuot na lang ng mask ang mga residente.

Si Mang Salvador Estadilla, nangangamba sa kalagayan ng hikaing anak.

"Malakas iyong sabog ngayon, at saka iyong pagsabog ngayon, umepekto dito sa amin, dito talaga tumama," ani Mang Salvador.

Si Lola Angelica Paluyo nagbalot na ng gamit para makalikas. Handa na sana ang lahat ng biglang atakihin ng asthma ang kanyang asawa na si Mang David.

Ayon sa mga residente, hindi silang mag-aatubiling lumikas sakaling magtuloy-tuloy pa ang pag-aalburoto ng bulkan. Jose Carretero, Patrol ng Pilipino