Suspek sa panggagahasa sa UPLB student, nahuli

Posted at Oct 17 2014 11:45 AM | Updated as of Oct 17 2014 07:47 PM

Watch more on iWantTFC

MANILA - Nahuli na ng pulisya ang suspek sa panggagahasa sa isang estudyante ng UP Los Banos noong Miyerkules.

Matapos mahuli, walang pagdududang kinilala ng UPLB freshman student si Jose Montecillo alyas Joey bilang ang tricycle driver na humalay sa kanya nitong Miyerkules ng gabi sa madilim at masukal na bahagi ng Barangay Tuntungin Putho.

Ayon sa PNP, nasukol si Montecillo sa bahagi na ng Calauan, Laguna matapos mag-imbestiga ang mga pulis sa live-in partner nitong nasa ospital dahil kapapanganak lang.

Dahil tricycle driver na naman ang suspek tulad din ng nangyari sa estudyanteng si Given Grace Cebanico mahigit tatlong taon na ang nakakaraan, nagdesisyon ang mga tricycle driver na huwag na munang magsakay ng pasahero papuntang Paciano Rizal, ang ruta ng UPLB freshman noong gabing naganap ang krimen.

Problema nga lang mas nahihirapan ngayon ang mga residente dahil wala silang masakyan.

Kanina ay napa-medical na rin ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaso sa piskalya ngayong umaga.

ABS-CBN UMAGANG KAY GANDA, October 17, 2014