Row over horse leads to massacre in Laguna

Posted at Oct 13 2011 10:34 PM | Updated as of Jan 13 2017 10:57 AM

Watch more on iWantTFC

Pinagtataga hanggang mamatay ang 4 na miyembro ng pamilya Rendon kagabi sa Barangay Santa Felomina, San Pablo, Laguna.

Kinilala ang mga bikitma na sina Maricel Rendon at asawa niyang si Bay.

Patay din ang 5 taon nilang anak na si Jomari at 2 buwan na sanggol na si Marijoy.

Nasa kritikal na kundisyon naman ang anak nilang si JM.

Himala namang nakaligtas ang isa pa nilang anak na si Margie sa kabila ng tama sa dibdib.

Siya ang nagturo sa kapitbahay nilang mag-ama na sina Elmor at Ernie Tambuong, na siya umanong may kagagawan ng krimen.

“Positively tinuro ng bata na talagang ito,” sabi ni Superintendent Ferdinand de Castro, hepe ng San Pablo Philippine National Police.

Sa inisyal na imbestigasyon, lumilitaw na matagal nang may alitan ang pamilya Rendon at Tambuong dahil pinagbintangan umano ng biktima ang mga suspek na tumaga sa kanilang kabayo.

Nagkainitan ang 2 kampo sa gitna ng isang inuman.

Habang natutulog ang pamilya Rendon, dumating umano doon ang mag-amang Tambuong at pinagtataga ang mag-anak at saka tumakas.

Sa follow-up operation, nahuli ang mag-amang suspek, pero itinanggi ni Elmor Tambuong ang krimen.

Aminado naman ang anak niyang si Ernie sa nagawang krimen.

Katwiran niya, inunahan lang niya ang kabilang kampo dahil pinagbantaan umano sila ng mga ito.

"’Yung ama lang sana ang papatayin ko, nadamay na ‘yung mag-iina,” sabi ni Ernie.

May nakuha namang karet sa bahay ng mga suspek na ayon sa mga pulis ay siyang posibleng ginamit ng mag-ama sa krimen at mga damit na duguan. Jeck Batallones, Patrol ng Pilipino