Huge 'killer' crocodile captured in Agusan
Posted at Sep 05 2011 09:39 PM | Updated as of Jan 18 2017 06:52 PM
Labindalawang pain ang ikinasa ng lokal na pamahalaan sa tulong ng Protected Animal Wildlife Bureau ng DENR bago nahuli ang higanteng buwayang ito sa Mangasngag Creek sa bayan ng Bunawan, Agusan del Sur.
Dalawampu't isang talampakan ang haba nito, mahigit 3 talampakan ang lapad at mahigit 600 kilo ang bigat.
Sinubukan pa itong pasukahin para makumpirma kung ito ang lumapa sa kalabaw na nakuhaan nang litrato ng residenteng si Wen Elorde.
Sa litratong ito, maihahambing ang laki ng buwaya at ng kalabaw.
Halos hindi magkalayo ang laki ng ulo pa lang ng buwaya sa katawan ng nakalutang na kalabaw.
Habang nagsasaya ang ilang lider at residente, nangungulila naman ang pamilya Austerio.
Hindi pa rin nahahanap ang 52 anyos na si Daniel Austerio matapos mangisda sa creek noong Hunyo 13.
Pinaniniwalaang isa siya sa mga biktima ng buwaya.
Ani ng kapatid ni Daniel, "Nang makita namin ang buwaya na kumakain ng kalabaw, dun na kami naniwala na kinain din ng buwaya ang kapatid ko."
Kahit nahuli na ang dambuhalang buwaya, takot pa rin umano ang ibang taga-Bunawan.
Ani nga ni Lolita Salon, "Takot pa rin kami kasi marami pang buwaya dito."
May ibang plano naman si Bunawan Mayor Edwin Elorde.
Ani niya, "Hangad naming gawing itong potential tourist destination. Dito sa aming lugar makikita ang higanteng buwaya."
Nilagay na ang buwaya sa isang espesyal na kulungan dahil kabilang ito sa mga itinuturing na protected animals. Charmane Awitan, Patrol ng Pilipino sa Butuan.
Regions,Editor's Pick,tv patrol,denr,crocodile,Agusan del Sur,latest video,Charmane Awitan,Setyembre 5 2011,Bunawan