EXCL: 'Mermaid' baby dies

Posted at Aug 10 2011 10:58 PM | Updated as of Aug 11 2011 10:36 AM

Hindi makapaniwala si Jane Sariba nang makita ang iniluwal niyang sanggol noong Hulyo 31.

Sa larawang kuha ng kaanak, mistulang may buntot ang ibabang bahagi ng katawan ng sanggol.

Naniniwala si Jane na may kinalaman sa naging itsura ng kanyang baby ang madalas na pamamasyal sa tabing-dagat at panonood ng fantaseryeng "Mutya” na tungkol sa batang sirena.

“Nanonood ako ng Mutya hindi ko alam na buntis na pala ako,” sabi ni Jane Sariba, ina ng sanggol.

Walang kasarian at puwet ang sanggol na pinangalanang baby Mutya.

Tinangka nilang dalhin sa ospital ang bata pero dahil sa maselang kundisyon ay pumanaw si baby Mutya sa biyahe.

Ayon sa neonatologist na si Dr. Mary Ann Mesalucha, ang sanggol ay may pambihirang kundisyon na tinatawag na sirenomelia o mermaid syndrome.

Ito'y pambihirang congenital deformity kung saan nagkadikit ang mga binti at paa at nagmistulang buntot.

“There is a disruption in the blood supply in the lower extremities,” sabi ni Dr. Mesalucha.

May isa lang sa bawat 100 isinisilang na sanggol ang may ganitong kondisyon.

Isa sa sikat na kaso ng sirenomalia ay ang batang si Milagros Cerron ng Huancayo, Peru na isinilang noong 2004.

Noong 2005 naging matagumpay ang paghihiwalay ng kanyang mga binti.

Payo ng mga eksperto sa mga nagdadalantao na magpatingin sa doktor at kumain ng mayaman sa folic acid. Jonathan Magistrado, Patrol ng Pilipino sa Camarines Norte