8 cops face hazing charges

Posted at Aug 03 2011 10:52 PM | Updated as of Sep 11 2019 06:16 PM

Watch also in iWantTFC

Kitang-kita sa video na ipinadala ng isang pulis sa Commission on Human Rights (CHR) ang pamimilipit sa sakit ng ilang police-trainees sa kanilang training sa Camp Eldrige, Los Baños, Laguna para sa Regional Public Safety Battalion.

Naka-blindfold at naka-underwear lang ang trainees habang pinapahiran ng mga instructors ang mga ari at puwit ng trainees ng dinikdik na siling labuyo.

Sa ikalawang video, nasusuka na ang mga trainees dahil sa umano'y pinakain sa kanilang dinikdik na siling labuyo at ipinainom na tubig na may paminta.

Galit at hindi makapaniwala sa napanood si CHR Chair Etta Rosales.

“’Yan ba'ng magsasalamin ng matibay, matatag at makatao na pulis?” sabi ni Rosales.

Sumulat at ipinadala na ng CHR sa Department of Interior and Local Government at sa Philippine National Police (PNP) ang kopya ng video.

Sa imbestigasyon ng PNP, lumalabas na Marso 2010 pa nangyari ang hazing bilang bahagi ng special counter-insurgency operation unit training sa Calabarzon.

Tukoy na ang 8 pulis na sangkot at inilagay na sila sa restrictive custody.

Mahaharap sa kasong paglabag sa anti-hazing law at grave misconduct ang mga nang-hazing na pulis.

“Actions like these do not have any place in the PNP where respect for human rights and the rule of law is a policy,” sabi ng PNP spokesman Chief Superintendent Agrimero Cruz Jr.

Itinanggi ng PNP na katibayan ang video ng kultura ng karahasan sa PNP dahil hindi raw ito kinukunsinti ng institusyon.

Pinaiimbestigahan din ng CHR sa PNP ang 16 na iba pang mga regional training camps dahil posible raw na may ganito ring nangyayari sa mga training camps na ito.