EXCL: Gecko buyer scammed in Bukidnon

Posted at Jul 15 2011 10:21 PM | Updated as of Jul 16 2011 06:21 AM

Ilan lamang ito sa mga litratong kumakalat na pang-engganyo ng mga nagbebenta at namimili ng tuko.

Nasa 100 hanggang 200 grams lang ang bigat ng karaniwang tuko sa Pilipinas.

Pero sa litratong ito, umaabot ng halos 450 grams na siyang in-demand daw at naibebenta ng milyun-milyong piso.

Sa isa pang litratong ito, higit isang kilo ang timbang ng tuko.

Kalahating bilyon na raw ang presyo nito.

Kaya naengganyo si "Engineer France" para mag-middleman.

"Kahit saan ako magpunta, balitang-balita at talagang madaming naghahanap,” sabi ni France.

Singaporean at Malaysian daw ang kadalasang umu-order.

Kaya nang makakita siya ng tuko sa Bukidnon, agad siyang naghanap ng buyer; nakipagtawaran din sa nagbebenta ng tuko.

Mula sa P1 milyong downpayment, napababa niya ito sa P300,000.

"Iba ‘yung may hawak ng tuko at iba ‘yung magre-receive ng pera. Nung maiabot, hawak ng pera, nagtakbuhan na,” sabi ni France.

Dito napatunayan ni France na raket lang ito, kaya't nagsampa na siya ng reklamo sa NBI Environmental and Wildlife Protection Investigation Division.

"Ibinulgar ko ito kase para hindi na marami ang mabiktima," sabi ni France.

Hinihikayat ng NBI na magreklamo ang mga nabiktima upang matunton ang mga sindikato.

Paalala rin ng DOH, hindi nakakagamot ng anumang sakit ang enzyme ng tuko. Maan Macapagal, Patrol ng Pilipino