Barangay officials in San Mateo face ‘child abuse’ raps

Posted at Jun 28 2011 10:44 PM | Updated as of Jun 29 2011 06:44 AM

Ito ang mga larawan na ipinadala sa ABS-CBN ng isang concerned citizen mula sa San Mateo, Rizal.

Mga bata na edad 11 hanggang 13 anyos na hubu't hubad sa kalsada para lumahok sa palaro sa pista ng barangay Guitnang Bayan 2 noong Hunyo 13.

Una ang pabilisan ng takbo sa kalsada nang nakahubad.

Tagabigay ng instruction ang mga taga-barangay habang nanonood ang kapitan na si Leo Buenviaje.

Sinundan ito ng unahan sa pagpuno ng ihi sa bote ng softdrinks.

Sa palosebo naman, naka-brief lang ang mga bata.

Ang masaklap pa, naka-upload sa Facebook ang mga larawan.

Tinanggal lang ito dahil sa isang nagkomento ng child abuse.

Isa sa lumahok ang 12 anyos na si Ato.

“Okay lang din kasi natural lang naman sa piyesta iyan eh,” sabi ni Ato.

Wala si Chairman Buenviaje pero humarap sa media ang kanyang ama at isa pang staff ng barangay para ipagtanggol ang palaro.

“Mga bata naman iyan kaya walang malisya sa amin,” sabi ni Benjamin Buenviaje, dating barangay captain.

“’Yong mga bata gusto. Kahit naman dati ako tumakbo rin ako ng ganyan,” sabi ni Edgar Becson, staff ng barangay.

Pati ang nanay na ito, hindi naisip na may mali sa kanilang palaro.

“Noong time na nagsisimba kami diyan, nandito naman ho ang mga magulang,” sabi ni Nanay Rosie.

Nagulat at nagalit  ang alkalde sa nakitang mga larawan.

“I have no idea that this thing could happen,” sabi ni Mayor Jose Rafael Diaz.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development San Mateo, malinaw na nalabag ng mga barangay officials ang batas kontra sa pang-aabuso ng bata.

Iniimbestigahan na rin ng Commission on Human Rights ang insidente.

Papatawan na ng preventive suspension ang kapitan ng barangay.

Ang mismong San Mateo PNP naman ang magpapataw ng kasong kriminal o child abuse sa lahat ng government official na nagpasimuno ng palaro. Gretchen Malalad, Patrol ng Pilipino