5 hurt in PAF chopper emergency landing

Posted at Apr 13 2011 09:54 PM | Updated as of Jan 11 2017 04:46 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Papuntang Antipolo mula sa Villamor Airbase at Sangley Point ang Huey II helicopter na ito ng Philippine Air Force nang mag-emergency o hard landing sa bakanteng lote sa Antipolo alas-10  kaninang umaga.

Masuwerteng walang malubhang nasugatan sa 5 sakay nito.

“Nasa training mission sila. They were undergoing a Test Pilot Qualification Course,” sabi ni Lt. Col. Miguel Okol ng PAF.

Ayon sa isang residente, nakita niya nang nagpagewang-gewang sa ere ang helicopter.

“Pagdating dito biglang bumagsak. Ang elisi paikot-ikot biglang kumalabog ang lakas,” sabi ng nakakitang si Alberto Tolentino.

Agad isinugod ang instructor pilot na si Lt. Col. Robert Bitas at 4 niyang kasamahan sa ospital sa Villamor Airbase.

Nagtamo lang ng mga galos at pasa ang mga sakay.

Inaalam pa ngayon kung bakit napilitan ang grupo na mag-emergency landing.

“Iyan po ang iniimbestigahan natin ngayon kung bakit we had to do emergency procedures,” sabi ni Okol.

Ayon sa Air Force, kaka-upgrade lang ng Huey II noong 2002.

Ginagamit ito sa mga search and rescue operation.

Beteranong piloto rin si Bitas na siya ring nagpalipad sa chopper para sa rescue operations noong kasagsagan ng bagyong Ondoy.

“Matagal na po siya sa search and rescue group. I would say this is a successful emergency procedure,” dagdag pa ni Okol.

Magagamit pa naman ang chopper matapos ang imbestigasyon. 

Sa ngayon, 4 ang mga Huey II na ginagamit ng Philippine Air Force.

Dahil sa insidente, muling ini-inspect ang mga ito. Niko Baua, Patrol ng Pilipino