Bridges' repair usher slow recovery for Guihulngan

Posted at Feb 10 2012 10:33 PM | Updated as of Sep 11 2019 06:01 PM

Watch also in iWantTFC

Nadadaanan na 'yung ibang tulay na kinukumpuni kanina.

Sa kabuuan kasi mayroong 13 tulay na na-identify ng DPWH. Tatlo dito ay hindi na pwedeng kumpunihin lang; kailangan talaga palitan na nang tuluyan.

Kaninang hapon bago dumilim, sinikap ng DPWH na makapagsagawa ng cleaning operation at bigyan kahit ng temporary access man lang ang mga motorista.

Parang musika sa pandinig ang kalampag kanina ng backhoe habang sinisimulang bungkalin at patagin ang Tuay bridge dito sa Guihulngan. Isa kasi ito sa malaking sagabal sa daan kaya pinamamadali ito ng DPWH.

“Mamayang hapon, puwede nang madaanan ito. Oo, puwede na, kaya na [daanan ng mga four-wheel vehicles],” sabi ng isang kontratista ng DPWH.

Pero sabi ni Mayor, ‘di porke't matatapos ang tulay, tuluyan nang makakapasok ang tulong sa kanila.

Isa lang kasi ang Tuay bridge sa 13 tulay na natukoy ng DPWH na sinira ng lindol na nagdudugtong sa Guihulngan sa kabisera ng probinsya sa Dumaguete.

“Hindi lang ‘yong tulay sa amin ang nasira, 'yung banda roon, isang tulay nasira rin, at saka sa Libertad, maraming sira. Sa palagay ko, hindi pa mare-restore, within 3 or 4 days, hindi pa siguro,” sabi ni Mayor Ernesto Reyes.

Kaya naman sa palengke, ginto ang presyo ngayon ng paninda.

Ang karaniwang isdang "tuloy,” kuwarenta kada kilo lang ang presyo bago lumindol. Pero ngayon, napakamahal na nito.

“Kasi malayo ang kinukunan namin,” sabi ni Regine Bungawan, tindera ng isda.

Kaya mas mabenta pa ang karne ng baboy na P150 ang kilo at P125 naman sa butu-buto.

Pero mahal pa rin ito kung tutuusin para pakainin ang isang pamilya. Kaya kaysa mag-karne, munggo na lang ang binili ni Mang Jose.

“Siyempre wala namang nagtinda, kaya tiis ka na lang. Ito na lang, 'yung one-fourth, bente nga. Haluan lang ng malunggay dahil marami kami doon nakaano,” sabi ni Mang Jose.

Pero hindi lahat ay may kakayahan na bumili. Patunay dito ang mga karatula sa kalsada ng mga nanlilimos ng tulong.

Sa evacuation center, marami pa rin ang naghihintay ng tulong sa pagkain at tubig na maiinom.

Ang hinihintay ngayon dito ay 'yung naipangako ng Department of Trade and Industry noong dumalaw ang Pangulong Noynoy Aquino na magkakaroon ng mga rolling stores na magbebenta ng mga produkto sa distributor's price. Jorge Carino, Patrol ng Pilipino