Janelle discharged from hospital

Posted at Nov 29 2011 08:55 PM | Updated as of Sep 10 2019 01:21 PM

Watch also in iWantTFC

Matapos ang isang buwan sa Asian Hospital, lumabas na sa ospital kaninang pasado 2 p.m. si Janelle Manahan kasama ng kanyang mga abogado.

Naka-shades, maong at sweater si Janelle na guwardiyado ng mga pulis.

Dahil hindi pa tuluyang gumagaling ang kanyang balikat, naka-arm sling pa rin siya.

“Gusto ko po magpasalamat sa lahat ng nagdasal at sa lahat po ng sumusuporta po para po sa justice... kay God po at sa love ng family at sa lahat po ng sumusuporta po [ako humugot ng lakas ng loob],” ani Janelle.

Napaiyak din si Janelle sa pangalawang buhay na ibinigay sa kanya.

Nangako siyang hindi siya titigil hangga't hindi nakakamit ang hustisya sa pagkamatay ni Ram.

“Ngayon lang po kasi nagsi-sink in lahat eh,” ani Janelle habang umiiyak.

Nakahanda si Janelle na tumestigo sa kaso nila ni Ram. Nanawagan din siya sa pamilya Bautista.

“Sana po tulungan po nila akong mahanap ang hustisya para kay Ramgen. Hindi ko po alam kung anong nararamdaman ko talaga ngayon eh. Ngayon lang po talaga nagsi-sink in lahat. Hindi ko po alam kung ano ang nafi-feel ko.Opo [handa po ako mag-testify],” ani Janelle.

Nakasama ang ABS-CBN News sa sasakyang sumundo kay Janelle.

Mula sa ospital, inihatid namin si Janelle sa isang safehouse kung saan siya mananatili ng ilang araw habang nag-a-apply siya sa witness protection program.

Hindi raw kasi malayo na nasa panganib ang kanyang buhay dahil biktima, complainant at testigo siya sa krimen.

Nag-iwan ng maliit na peklat sa mukha ang balang tumama kay Janelle pero mas malalim ang sugat na iniwan sa kanyang puso at isipan.

Nakatakda siyang magbigay ng kanyang sinumpaang salaysay sa Biyernes.

Naiwan naman sa ospital ang kanyang ina dahil hindi pa sila tuluyang nakakapagbayad ng utang sa kanyang pagpapagamot. Jay Ruiz, Patrol ng Pilipino