2 lalaki patay sa pamamaril sa port area

ABS-CBN News

Posted at Oct 30 2015 10:40 AM

Watch also in iWant or TFC.tv
Dead-on-the-spot ang dalawang lalaki matapos barilin sa port area, Maynila ngayong Biyernes ng madaling-araw. 

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo at dibdib ang mga biktima, sa tapat mismo ng tanggapan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB). 

Nakilala ang isa sa mga biktima na si Mario Estacio III, na anak umano ng isang pulis at dati ring photographer para sa MTPB. 

Nabatid sa inisyal na imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) na kalibre .45 baril ang ginamit sa pamamaslang. Narekober sa lugar ang tatlong bala ng baril at isang slug. 

Tumangging humarap sa camera ang mga pulis sa MTPB ngunit sinabi ng nila na dahil sa mga nakahambalang na trailer truck kaninang madaling-araw ay hindi nila napansin ang pamamaril. 

Nagpaputok din umano ng mga kwitis ang mga kabataan sa lugar kaya inakala nilang mula rito ang narinig na putok ng baril. 

Patuloy ang imbestigasyon sa motibo ng krimen. 

- Umagang Kay Ganda, 30 October 2015