EXCL: Hundreds flee their homes in Baseco

Posted at Sep 27 2011 11:20 PM | Updated as of Mar 15 2017 12:06 PM

Watch more on iWantTFC

Hindi na nakapaghintay pa ng anumang tulong si Mary Anne.

Sa gitna ng buhos ng ulan at malakas na hampas ng hangin, binitbit niya ang kanyang sanggol at sumugod sa evacuation center.

Lumubog kasi ang bahay niya na nasa tabingdagat.

Hindi nag-iisa si Mary Anne, nagkandarapa rin ang ibang taga-Baseco compound sa paghahanap ng masisilungan, matapos umapaw ang dagat papunta sa kanilang mga bahay.

Ganito kalakas ang hangin at ulan ngayon dito sa Baseco, at kung makikita ninyo andami nang lumilikas.

Sabi ng mga residente, ito raw unang beses na nangyari ito sa kanila.

Kung anuman ang madampot na gamit, siyang binitbit ng mga residente saka lumusong sa bahang hanggang dibdib.

Kuwento nila, madaling araw pa lang nang maghampasan sa kanilang mga bahay ang malalakas na alon.

Ang gutter na dating naghihiwalay sa dagat at sa Baseco, hindi na matanaw.

Sa kabila ng peligro, may ilan pa ring piniling manatili sa bahay dahil sa takot na manakawan ng gamit.

“Kung talagang lumubog ‘yan lilikas naman kami, kung talagang wala na,” sabi ng residenteng si Lynda Dueñas.

Ang basketball court ng Baseco ang ginawang evacuation center kung saan siksikan ang may 500 tao.

Sa dami ng evacuees, napilitan ang lokal na pamahalaan na palipatin ang marami sa iba pang evacuation center.

Malayo sa isip ngayon ng mga residente kung kailan sila makakabalik ng kanilang mga tahanan, lalo't ang pangunahing nasa isip nila ay ang kanilang kaligtasan. Jeff Canoy, Patrol ng Pilipino