Tondo has highest crime rate in Manila

Posted at Aug 21 2010 11:08 PM | Updated as of Aug 22 2010 07:24 AM

Kapag naririnig ang lugar ng Tondo, madalas naiisip ng tao ang mga imahe ng kahirapan at ang pagiging pugad nito ng mga kriminal.

Tila kinukumpirma naman ito ng stadistika. Lumalabas na ang Tondo ang may pinakamataas na crime rate sa buong Maynila.

Karamihan ng krimeng nagaganap ay snatching.

Hindi rin kaila kay Kagawad Charina Tibay ng Barangay 14 ng Tondo ang ganitong realidad
lalo't isa siya sa mga nagbabantay ng lansangan araw-araw.

Gayunpaman, hindi raw tamang husgahan ang buong Tondo bilang lugar ng mga kawatan.

Kuwento naman ni Brother Jansen Ronquillo ng Sto. Niño Church sa Tondo, palaging puno ang simbahan sa oras ng misa na patunay na may takot pa rin sa Diyos ang mga taga-Tondo.

“Totoong may mga halang, totoong napakaraming mahirap dito sa Tondo pero marami din ditong nananampalataya,” ani Brother Jansen.

May ilang nag-iisip na baka tanging pagmamalupit lamang umano ang naisip na paraan ng grupo ni Senior Inspector Joselito Binayug para disiplinahin ang isang lugar na puno ng mga walang takot na kriminal.

Para naman sa mga taga-Tondo, walang masama sa pagtuturo ng disiplina pero ang lahat ng may sala ay mayroon pa ring karapatan at hindi kailanman puwedeng tratuhin sa ganong paraan. – Chiara Zambrano, Patrol ng Pilipino