2 families claiming torture victim of MPD station

Posted at Aug 19 2010 01:52 AM | Updated as of Aug 19 2010 10:24 AM

Nagpunta sa ABS-CBN ang nagpakilalang pamilya ng biktima ng torture sa exclusive video na ipinakita ng TV Patrol Martes ng gabi.

Matapos panoorin ang raw footage kasama ang mga taga-Commission on Human Rights (CHR), kinumpirma ni Ana na ang asawa niyang si Darius Evangelista ang nasa video.

Pinagbasehan niya ang mga tattoo sa katawan na nakita sa footage.

Naiyak si Ana sa awa dahil sa sinapit ng kanyang asawa. Aminado siyang snatcher at holdaper ang mister, pero hindi raw ito dahilan para tratuhin siyang parang hayop ng mga pulis.

Kuwento ni Ana, noong Marso 5, 2010 pa nawawala ang kanyang mister. May mga nakakita raw nang damputin si Darius ng mga pulis at ikinulong sa presinto sa Maynila.

Puro bugbog nga raw ang katawan niya.

“In-arbor ni Joselito Binayug kay Colonel Rogelio Rosales iyong asawa ko.. At may narinig sila na ‘Oh, sige dalhin na iyan, itumba na iyan sabi ni Binayug',” anang nagpakilalang asawa ng biktima.

Pero nang isa-isahin nila ang mga presinto, itinanggi ng mga pulis na dinampot nila si Darius. Wala rin daw rekord ang mga pulis tungkol sa kanyang pagkakadakip.

Makalipas ang ilang linggo, may pulis umanong nagpasabi sa kanilang huwag nang hanapin si Darius dahil patay na ito. Tinorture at pinahirapan daw siya ng mga pulis at may cellphone video na magpapatunay nito.

Kaya nang mapanood nila ang video sa TV Patrol Martes ng gabi, kinutuban si Ana: Ito na marahil ang ebidensyang hinahanap nila.

Ayon naman sa CHR, nakatanggap sila ng tawag mula sa isa pang pamilyang umaako ring kamag-anak nila ang tinorture.

Iyong nga lang, wala pa silang kumpirmasyon tungkol dito.

Sabi ng CHR, hindi na mahalaga sa kanila kung sino ang biktima ng torture. Ang importante raw ay malinaw ang krimen na nasa video at kung sino ang may kinalaman dito. – Jing Castañeda, Patrol ng Pilipino