Onad carjack group eyed in Makati shootout

Posted at Aug 10 2011 11:07 PM | Updated as of Aug 11 2011 07:07 AM

Tensyonado ang mga tao sa bahaging ito ng Buendia at Ayala Avenue sa Makati.

Isinara ang mga daan matapos lumusot sa imburnal ang isang suspek ng Onad Carnapping Group na nakipagbarilan sa mga pulis habang papatakas kaninang madaling araw.

Nakapalibot ang SWAT.

Dumating din si Mayor Junjun Binay.

Ang engkwentro ay kagagawan umano ng Onad Carnapping Group na pinamumunuan ni Ronaldo Santiago, isang dating miyembro ng Bundol Gang

“’Yung mga carnapped vehicles, ginagamit nila sa ibang krimen,” sabi ni Chief Superintendent Arnie delos Santos.

“Alam naman natin na ang Bundol Gang, babanggain ang sasakyan mo tapos magpapakilalang pulis. Tapos hoholdapin ka,” sabi naman ni Chief Inspector Romy Niño.

Nasa 9 ang kasama sa Onad group na nasa edad 27 hanggang 35 years old.

Halos araw-araw sila nambibiktima sa pamamagitan ng akyat-bahay, bus holdup at carjacking.

Ang paboritong sasakyang target ng grupo ay iyong madaling ibenta.

“Karamihan, mga SUVs like Fortuner, Montero at Innova,” sabi ni Senior Superintendent Edwin Butacan, spokesperson ng Highway Patrol Group.

Nauna ng naaresto si Ronaldo Santiago sa Dasmariñas, Cavite noong Enero.

Pero nakalabas ang lahat dahil nakapagpiyansa din sa halagang P100,000 bawat isa.

“Kung pupwede, gawin non-bailable ang carnapping,” sabi ni Butacan.

Sa ngayon, bukod sa 9 na mga kasamahan ng Onad group, ayon sa PNP, patuloy pa rin ang pagre-recruit ng grupo sa Laguna at south Luzon. Zyann Ambrosio, Patrol ng Pilipino.