Mag-aaral arestado dahil sa pamba-blackmail

ABS-CBN News

Posted at Jun 06 2016 09:30 AM | Updated as of Jun 06 2016 12:04 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

Dinakip ang isang estudyante matapos umanong mangikil ng pera sa isang babae para hindi ikalat ang hubad nitong larawan sa Internet.

Sinalakay ng mga operatiba ng Philippine National Police Anti Cybercrime Group (ACG) ang condominium ng suspek na si Lonny Lou Beltran sa New Manila, Quezon City nitong Linggo.

Hindi natagpuan ng mga awtoridad ang medical technology student dito, pero nakuha nila ang marked money na ibinayad sa kanya ng biktima.

Natagpuan sa computer shop malapit sa condominium si Beltran na wala nang nagawa kundi sumama sa mga pulis.

Ayon kay S/Supt. Lorenzo Eleazr ng PNP-ACG, naengganyo ng suspek ang biktima na maghubad matapos itong alukin na magmodelo ng isang produkto.

Nasampahan na si Beltran ng kasong robbery, extortion at paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act. Maaari siyang makulong ng 10 hanggang 16 taon, at magbayad ng danyos na mula P100,000 hanggang P500,000.

- Umagang Kay Ganda, 6 Hunyo 2016