Hinihinalang snatcher binangga matapos maipit sa trapik

Posted at May 12 2015 10:20 AM | Updated as of May 12 2015 06:20 PM

Watch also in iWant or TFC.tv

MANILA - Sugatan ang isang hinihinalang magnanakaw matapos siyang habulin at banggain ng umano'y nabiktima niya sa kanto ng Tomas Morato, E. Rodriguez sa Quezon City.

Ayon kay Delia Leung, nakasakay siya sa kanilang sasakyan ng hablutin umano ng suspek na si alyas Ben ang kanyang mamahaling bag na naglalaman ng pera at mga alahas.

"We are about to leave for the States, eh may mga pera po dito. May alahas. Nagasgas na ang bag ko," ani Leung sa isang panayam sa ABS-CBN.

Sa paunang imbestigasyon, hindi pa nakakalayo si "Ben" nang maipit sa trapiko ang minamaneho niyang motorsiklo at mawalan ng kontrol.

Sakto namang parating ang sasakyan nila Leung at nasagi ang papatakas na suspek.

Pumailalim siya sa sasakyan at na-corner ng mga tao.

"Pupunta ako sa pulis para ma-blotter. Hindi ko naman gusto na siya ay sagasaan eh tumama siya eh," ani Joseph Leung, asawa ng biktima.

Ayon kay SPO1 Wilfredo Calinao, may nagturo kay alyas Ben na suspek sa robbery. "Snatching, kinuha yung bag ng asawa niya kaya hinabol niya. Snatching kaya hinabol niya," aniya.

Itinanggi naman ni "Ben" na siya ang humablot sa bag ni Mrs. Leung. Aniya, hinahabol niya ang snatcher ng siya ay binangga.

Iimbestigahan muna ang pulisya ang pangyayari para malaman kung parehong may pananagutan ang kampo ni Leung at alyas Ben.