PANOORIN: Pagsagip sa mga palaboy, nabalot ng tensyon

ABS-CBN News

Posted at May 03 2016 10:34 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Nabalot ng tensyon ang rescue operation ng Manila Department of Social Welfare and Development (DSWD) matapos silang pagbantaang saksakin ng isang babaeng street dweller, Lunes ng gabi.

Panduduro at pagmumura ang inabot ng mga tauhan ng ahensya nang subukan nilang i-rescue ang pamilya ng babae sa Kalaw Avenue.

Saglit nawala ang babae at nang bumalik ay may dala na siyang bote na pamalo sana sa mga tauhan ng DSWD.

Hindi pa nakuntento ang babae at binasag ang bote para gamitin sanang panaksak.

Dito na siya dinakma ng mga awtoridad at sapilitang isinakay sa rescue mobile.

Nagmakaawa naman ang mga kaanak niya na huwag na silang dalhin sa shelter ngunit dinampot din sila.

Naging mas maayos naman ang operasyon sa ibang lugar.

Kabilang sa mga nasagip sa Lawton Avenue ang isang pamilyang nadatnang natutulog sa bubungan ng underpass.

Sa P. Burgos Street naman, nahalungkat ng ahensya ang mga drug paraphernalia at mga patalim sa isang kubol.

Sa kabuuan, 79 indibidwal ang nasagip ng ahensya.

Kukumpirmahin sa action center ang legal na address ng mga na-rescue.

Depende sa kanilang impormasyon, maaaring dalhin sa DSWD ang ilan o hindi kaya'y makinabang sa balik-probinsya program ng gobyerno.

- Umagang Kay Ganda, 3 Mayo 2016