200 pamilya nasunugan sa Muntinlupa

ABS-CBN News

Posted at May 01 2016 12:15 PM | Updated as of May 01 2016 12:18 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Tinatayang 200 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog sa Putatan, Muntinlupa nitong Sabado.

Dakong alas-9:30 ng gabi sumiklab ang apoy sa bahay ng isang Joel Lopos sa Purok 6.

Mabilis na kumalat ang apoy sa magkakatabing bahay, dahilan para itaas ang alarma sa Task Force Charlie.

Nahirapan ang mga bumbero na apulahin ang sunog dahil sa kitid ng mga eskinita sa lugar at pagka-ubos ng tubig sa mga firetruck.

Nakontrol ang sunog bandang alas-12:30 Linggo ng madaling-araw

Umabot sa P700,000 ang danyos sa pagkatupok ng nasa 100 bahay, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Problema sa linya ng kuryente ang tinitingnang sanhi ng sunog.

Dalawa naman ang nasugatan sa insidente, kabilang ang isang fire voluteer na nasugatan sa paa at isa pang nabalian ng siko. -- Ulat ni Fred Cipres, DZMM