1,000 pamilya nasunugan sa Muntinlupa

ABS-CBN News

Posted at Apr 22 2016 09:13 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Tinatayang 1,000 pamilya ang apektado matapos masunog ang isang residential area sa Cupang, Muntinlupa, Biyernes.

Ayon sa mga residente, pasado hatinggabi sumiklab ang sunog at inabot ng halos isang oras bago may rumespondeng mga bumbero.

Sinubukan ng mga residente na pagtulungang apulahin ang sunog ngunit mabilis itong kumalat dahil gawa sa kahoy at yero ang karamihan ng mga bahay.

Nagtuluy-tuloy ito ng tatlong oras hanggang maiangat na sa Task Force Alpha ang alarma at tumulong ang mga bumbero mula sa ibang lungsod.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), maliban sa mahirap pasukin ang compound dahil sa makikitid na daan, nagkaroon pa ng ibang aberya ang kanilang pagresponde tulad ng pagkapatid ng supply ng tubig at mahinang pressure nito.

Nasa 500 bahay ang nasunog bago makontrol ang apoy dakong alas-3 ng umaga.

Patuloy pang iniimbestigahan ng BFP ang pinagmulan ng apoy pero kumbinsido ang opisyal ng barangay na sinadya ang pagliyab.

Nagbanta anila ang residenteng si Arvin Aquino na magsusunog pero nakatakas nang magsimula ang pagliyab. Dagdag ng kanyang mga kapitbahay, gumagamit ito ng iligal na droga.

Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad si Aquino.

- Umagang Kay Ganda, 22 Abril 2016