EXCL: Reglos death saddens 1991 hazing victim kin

Posted at Feb 27 2012 10:35 PM | Updated as of Feb 28 2012 06:53 AM

Dalawang dekada na ang nakalipas at tahimik nang namumuhay si Attorney Gilbert Camaligan. Siya ang ama ni Raul Camaligan, ang first year law student ng San Beda noong 1991 na napatay sa fraternity initiation ng Lex Talionis.

Ani Camaligan, “Nalulungkot nga ako bakit nangyari ulit ito eh, sa eskuwelahang yun. Noong araw ang fraternity eh uutusan ka lamang magdala ng bulaklak du'n sa nagugustuhan ng iyong master.”

Si Raul ay pangalawa sa tatlong anak ng pamilya Camaligan, aktibo sa eskuwelahan noong elementarya, kahit noong mag-high school sa seminaryo. Pero bago pa mag-aral ng abugasya, naulila na sila sa ina.

Noong Setyembre 1991, isang pangyayari sa buhay ni Raul ang sumindak sa pamilya Camaligan.

“Nung malaman ko'y hindi nu'ng gabing 'yun, kundi kinabukasan pa. Siyempre, masakit. Kasi ano niya 'yun eh, kami na lang, wala na 'yung mommy niya. Hindi ko mawari na umalis na siya,” sabi ni Camaligan.

Wala pang anti-hazing law noon, pero inilaban ni Camaligan sa korte ang kamatayan ng anak nya. Naipanalo ang kasong murder. Ebidensya ang paddle na ginamit pambalugbog sa anak niya.

Aminado ang ama na kung nagpaalam ang anak niyang papasok sa frat, 'di rin siguro niya mapipigil dahil walang masama sa frat na pinasok niya noon. Payo niya, kausapin palagi ng mga magulang ang anak para mabigyan ng gabay sa gagawing desisyon.

“Siguro'y bago pa pumasok sa ano, sa college. Pero ngayon, pati high school meron nang fraternity. Bigyan na agad nila ng warning,” sabi ni Camaligan. Jorge Cariño, Patrol ng Pilipino