LTFRB hunts for driver of taxi with kids riding in open trunk

Posted at Feb 22 2011 11:20 PM | Updated as of Feb 23 2011 07:20 AM

Tuwang tuwa pa ang 4 na bata na nakaupo at tila nangunguyakoy sa likod ng compartment ng isang taxi na minamaneho ng kanilang amang si Rogelio Gayundato habang patungo sa eskwelahan.

Nakuhanan ito ng DZMM Radyo Patrol sa pagroronda sa Maynila kahapon ng madaling araw.

Nang makita ang larawan, nabahala rito ang Manila Traffic Police.

“Biro mo 4 ang mamamatay kung sakaling hindi niya mapansing magsara ang pinto,” ani SPO3 Dante Fabro ng Manila traffic.

“Delikado po iyon kapag sumabog ang LPG, sigurado sasabog din ang mga bata,” ani Chief Inspector Jesus Cortez ng Manila traffic.
   
Kanina pinuntahan ng mga opisyal ng Manila Traffic ang garahe ng naturang taxi. Nakaparada lang ito at iniwan ng driver sa kanyang operator.

Sunod na tinarget ng mga pulis ang tambayan ng driver na si Gayundato sa may Intramuros malapit sa City Hall.

Doon nila natagpuan ang kanyang misis at mga anak na nakunang nakasakay sa taxi. Kinumpirma naman ito ng ina.

“Iyong mga anak po namin makulit, gusto po nila sa likod ng sasakyan,” giit ni Mary Ann Gayundato.

Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) lumabag sa overloading ang pamilya.

“Ang taxi na sedan is authorized to carry only 4 passengers plus one driver. You should not be loading the passengers inside the baggage compartment,” ani Sonia del Mundo, tagapagsalita ng LTFRB.

May multa ang mga lumalabag sa overloading: P500 pesos sa first offense: P1,000 sa second offense at P1,500 sa ikatlong offense. Kaya ipatatawag ng LTFRB ang operator at driver ng taxi.

Pinag-aaralan naman ng operator ng taxi kung sususpindihin niya o ipatatanggal ang driver para maturuan ng leksiyon. Zyann Ambrosio, Patrol ng Pilipino