2 dead in Alabang Town Center shootout

Posted at Feb 10 2012 09:04 PM | Updated as of Sep 10 2019 01:11 PM

Watch also in iWantTFC

Katapatan sa tungkulin ang naging katapusan ng security guard na si Elmer Tagol matapos makipagputukan sa mga holdaper sa tapat ng Alabang Town Center mall sa Muntinlupa kanina.

Maghahatid sana ng pera sa isang money changer sa loob ng mall sina Tagol nang tambangan sila ng hindi bababa sa tatlong suspek.

Agad napatay ng security guard ang isa sa mga suspek na kinilalang si Venancio Pioquinto.

Pero hindi raw niya napansin ang isa pang holdaper na pinutukan siya sa likuran.

Pagsasalaysay ni Chief Inspector Bogart Arao, “Pagbaba nu'ng guwardiya bumunot 'yung isang namatay ng baril, babarilin sana siya, kaya lang naka-ready rin yung guwardiya natin. Hinabol niya tuloy ng putok. Nung tinamaan niya, may isa pa palang nakatago na bumaril sa guwardiya natin.”

Halos limang minuto lang nagtagal ang shootout. Pero kapansin-pansin ang mga tama ng bala sa pader at ilang mga sasakyan na nakaparada sa lugar.

Agad tumakas ang iba pang suspek sakay ng dalawang motorsiklo.

Isinugod sa ospital ang isa pang security guard na si Elmo Toreda matapos tamaan ng bala.

Hindi naman nasaktan ang driver ng armored van.

“Pasensya na muna po talaga, wala po muna akong masabi kasi instruction na rin po ng officer namin,” sabi ng driver.

Ayon sa pulis, walang natangay na pera ang mga suspek.

Hinimok naman nila ang pamunuan ng mall na magkabit ng mga CCTV camera sa paligid para makatulong sa seguridad. Atom Araullo, Patrol ng Pilipino