DOTC demands regular inspection of MRT elevators, escalators

Posted at Jan 20 2011 12:28 AM | Updated as of Jan 20 2011 12:28 PM

Halos maubusan ng hininga ang ilang pasaherong sumasakay sa MRT Station sa Ayala.

Napipilitan kasi sila ngayong umakyat ng mataas na hagdan matapos masira ang escalator.

“Napapagod ako. Hindi ko kaya [umakyat] nang ganito [kataas] lalo na medyo may edad na ako,” sabi ng isang pasahero.

Tiyempong rush hour kahapon nang biglang huminto ang escalator at dumausdos pababa. Siyam na pasahero ang sugatan matapos mawalan ng balanse at matumba.

Iniutos na ng Department of Transportation and Communications ang inspeksyon hindi lang ng escalator sa MRT Ayala Station kundi sa lahat ng istasyon pati na rin ang mga elevator.

“Ang assurance natin kung kailangan i-replace, i-replace. Kung kailangan i-overhaul, i-overhaul. Habang ino-overhaul, kailangan ng service elevators doon,” sabi ni DOTC Undersecreatry Dante Velasco.

Pero hahabulin din ang Japanese company na TESP na kinokontrata pala ng gobyerno para magsagawa ng maintenance sa MRT.

Ayon sa DOTC, kailangang araw-arawin ang inspeksyon at maintenance para masiguro ang kaligtasan ng mga sumasakay.

Kasama sa kontrata ng TESP ang regular na evaluation ng kanilang performance.

Kung mapatunayan na nagkulang nga sila sa kanilang trabaho, maaaring hindi na sila ulit kunin ng gobyerno lalo na't malaki-laki ang bayad sa kanilang operations.

P1.43 million ang bayad sa kanila ng gobyerno kada buwan. Ayon naman sa pamunuan ng MRT, nakadagdag din ang kalumaan ng mga pasilidad.

Kailangan na raw palitan ang ilan sa mga ito. Makakatulong umano ang nakatakdang fare increase bagamat bahagya lamang dahil ayaw din nilang mabigatan ang mga pasahero. Zen Hernandez, Patrol ng Pilipino