Engineers discover underground tunnel in Makati

Posted at Jan 14 2011 11:34 PM | Updated as of Mar 16 2017 04:23 PM

Watch more on iWantTFC

Tigil muna sa trabaho ang Manila Water hanggang hindi nabibigyang linaw ang tunnel na nadiskubre kaninang madaling-araw sa northbound lane ng EDSA Guadalupe sa Makati.

Ayon sa engineer ng Manila Water, nagsisimula pa lang maghukay ang contractor nila nang matiyempuhan ang biglang paglalim ng lupa. Doon nila nalaman na isang malaking tunnel pala ang nasumpungan nila.

"Hindi namin ma-determine kung bilog na bilog o puwedeng parang horseshoe ano. Kasi du'n sa bottom may mga debris pa siya, nahulog na lupa at bato (Gaano kalaki?) Description nila, husto 'yung isang van,” ani Engr. Alice Manalo.

Ang problema ng Manila Water, wala silang impormasyon kung ano at para saan ang tunnel na nasagasaan ng paghuhukay nila.

Marami pang kuwestiyon na gustong masagot ng mga engineer ng Manila Water, kaya ngayon babalikan nila itong tunnel. Magsasagawa sila ng pagsusukat para malaman din 'yung kabuuang kundisyon nitong hukay na ito.
   
Sinilip kanina ng mga engineer ang hukay at nakita nilang malalim pala. Ang nais nilang malaman ay kung anong peligro ang maaring idulot nito sa mga manggagawa at sa mga motoristang bumibiyahe sa EDSA.

Pansamantala, tigil muna ang paghuhukay.

“It appears na we really need to do the condition assessment to check kung safe siya or kung ano 'yung alignment, kung ano 'yung width para makapagplano kami ng next step,” sabi ni Engr. Francisco Landayan Jr.

Sasangguni muna ang Manila Water sa mga ahensya ng gobyerno para masiguro ang kaligtasan ng publiko bago ituloy ang proyekto. Jorge Cariño, Patrol ng Pilipino