PNoy parties after Corona tirade

Posted at Dec 15 2011 09:33 PM | Updated as of Feb 12 2017 10:57 PM

Watch also in iWantTFC

Ilang oras matapos siyang upakan sa talumpati ni Chief Justice Renato Corona, naki-party si Pangulong Aquino sa mga kongresista, kabilang ang mga pumirma sa impeachment ni Corona.

Taunan itong ginagawa ng pangulo na tila damang-dama ang pagkanta ng “Estudyante Blues” kasama si Agriculture Secretary Proceso Alcala.

Nalibang ang mga kongresista sa panonood kay PNoy, pati na si Minority Leader Edcel Lagman.

Nagpasalamat ang pangulo sa mga kaalyado dahil sa maagang pagpasa ng budget at sa mabilis na impeachment ni Corona.

Nauna nang sinabi ni Speaker Sonny Belmonte na sa pangulo nagsimula ang hakbang para i-impeach si Corona.

Ani Rep. Boyet Gonzales, “Hindi rin naman natapos ang gabi na hindi niya pinasasalamatan ‘yung mga miyembro ng Kamara who joined him in his crusade doon sa impeachment. And other than that, karamihan naman ay patawa lang as presidente.”

Kung may masaya, mayroon ding masama ang loob sa liderato ng Kongreso.

Si Batangas Rep. Hermilando Mandanas, nag-resign sa Liberal Party matapos siyang alisin bilang chairman ng ways and means committee.

Bukod kay Mandanas, 54 pang kongresista ang hindi pumirma sa impeachment kahit pa nasa sesyon sila noong Lunes.

Karamihan sa kanila, mga kaalyado ni dating Pangulong Arroyo, pero kasama rin ang may 30 miyembro ng mayorya gaya ni Deputy Speaker Pablo Garcia. RG Cruz, Patrol ng Pilipino