Zubiri back at Senate to defend vs poll fraud claims

Posted at Nov 29 2011 10:54 PM | Updated as of Sep 10 2019 01:22 PM

Watch also in iWantTFC

Halos apat na buwan matapos magbitiw sa tungkulin, bumalik sa Senado si Juan Miguel Zubiri.

Ito'y para itangging may kinalaman siya sa dayaan sa halalan noong 2007 na nagluklok sa kanya sa puwesto.

“This is a demolition job against me. Nananahimik na po tayo,” ani Zubiri.

Galing ang mga alegasyon sa dating consultant ng pamilya Ampatuan na si Ahmad Mamucao na nauna nang lumantad sa ABS-CBN News.

Kuwento ni Mamucao, mismong si dating Pangulong Gloria Arroyo ang nag-utos na papanalunin ang lahat ng kandidato ng administrasyon kabilang si Zubiri.

Ibiniyahe raw niya ang 60 karton na may lamang blankong election paraphernalia mula Bukidnon papuntang Cotabato City sa utos ng isang taong malapit kay Arroyo.

“Balita ko eh ang ibinigay ni Migz Zubiri P10 million sa operasyon na iyon eh,” ani Mamucao.

“Pagkatapos ng election wala na po akong pera,” giit naman ni Zubiri.

Dagdag ni Zubiri, kung talagang nandaya siya, hindi sana nanguna sa balwarte niyang Bukidnon noon ang dating karibal sa halalan at pumalit sa kanya sa puwesto na si Senador Koko Pimentel.

Itinanggi rin sa pagdinig ng dating opisyal ng intelligence service ng militar na si Colonel Pedro Sumayo na iniutos niya ang pagtiktik sa telepono ni Arroyo at iba pang opisyal ng gobyerno na nagresulta sa “Hello Garci” recordings.

Kahit may mga naisampa nang kaso sa korte kaugnay ng 2007 elections, itutuloy pa rin ang imbestigasyon ng Senado at marami pang iimbitahan para magsalita. Ayon sa mga senador, iba naman kasi ang layunin ng imbestigasyon. Ito ay ang ayusin ang mga kahinaan sa batas. Ryan Chua, Patrol ng Pilipino