PNoy confirms assassination plot vs officials

Posted at Nov 05 2010 10:07 PM | Updated as of Nov 06 2010 09:15 AM

Nakatutok ang gobyerno sa galaw ng mga terrorist group sa loob ng bansa, pero ayon mismo kay Pangulong Aquino, maaaring may makalusot pa rin sa pagbabantay ng mga intelligence groups, lalo na kung ito ay mga banyagang terorista. 

"S'yempre 'yung mga makikilala natin, yung mga foreigner na masama'ng balak sa atin, kung meron silang linkages sa domestic terror groups. So kung wala silang linkage sa domestic terror groups at naging random ang chance, may posibilidad pa rin na mawala du'n sa radar na tinatawag," ani Aquino.

Kinumpirma din ng Pangulo na may banta sa buhay ang ilang mga opisyal ng bansa at dalawang ambassadors. 
 
"There are assassination plots on several of our security officials and two ambassadors," sabi ni Aquino.

Hindi pinangalanan ng Pangulo ang mga target na opisyal. Wala pa ring tiyak na planong pag-atake ang mga binabantayang terorista.

Ayon sa Pangulo, ang karaniwang layunin ng mga terorista ay lumikha ng mas malaking pinsala at hindi gawing target ang ilang opisyal lamang.

"Ang pagkakapaliwanag sa atin ay baligtad na baligtad sa normal na istilo po nila. Kaya lalong nakakadagdag sa paniwalang wala pong konkretong plano mula sa threat group na 'yun," giit ni Aquino.
 
Kampante pa rin naman ang Pangulo sa kakayahan ng militar at pulis na pigilan ang anumang plano ng mga terorista. 
 
Ayon sa Pangulo, mahalaga pa ring ibahagi rin sa Pilipinas ang nalalaman ng mga intelligence groups ng ibang bansa at hindi ito sarilinin, lalo na ng mga itinuturing na kaalyado ng bansa. Willard Cheng, Patrol ng Pilipino