Plagiarism claim sparks row between UP Law faculty and SC

Posted at Oct 22 2010 11:53 PM | Updated as of Oct 23 2010 07:53 AM

Nagkakaisa ang mga taga-UP College of Law. Lalabanan daw nila ang balak ng Korte Suprema na parusahan sila matapos ibunyag ng mga propesor na kinopya diumano ni Associate Justice Mariano del Castillo ang sulatin ng ilang kilalang international legal experts  kaugnay ng isang kaso ng comfort women.

Hiningi din ng law professors na magbitiw sa puwesto si Del Castillo.

Ayon kay Propesor Ibarra Guttierez ng UP College of Law, nakasalalay sa isyung ito ang kredibilidad ng Korte Suprema at ang sistema ng katarungan sa bansa.

"Mahirap na balewalain lamang, dahil it casts into doubt 'yung credibility ng buong institusyon, at kailangan na mag-take ang Supreme Court ng malinaw at decisive na hakbang para harapin ang sitwasyong iyan," ani Gutierrez.

Ayon kay Gutierrez, sinusuportahan din sila ng iba't ibang law schools sa buong bansa.

"Marami namang ibang tao na nagvo-volunteer ng kanilang tulong at kanilang suporta, at 'yung ibang tao dito nag-o-organize na ng mga petisyon, nag-o-organize na ng kanilang mga statements of support," aniya.

Nauna nang inimbestigahan ng Korte Suprema ang isyu, at pinawalang-sala si Justice Del Castillo. Sa halip nasisi ang isa sa mga researcher nito. At ayon sa kataas-taasang hukuman, dapat magpaliwanag ang mga propesor ng UP.

"And if they can show that there is no violation to speak of, perhaps they were just doing their duty as members of the academic community, then sanctions might not be imposed," ani Supreme Court spokesperson Midas Marquez.

Maging si Senador Francis Pangilinan, nagpahayag ng suporta sa mga taga-UP at dapat huwag nang parusahan ng Korte Suprema ang mga professor. Henry Omaga-Diaz, Patrol ng Pilipino.