DOLE bares new job opportunities for next 3 years

Posted at Sep 28 2010 10:17 PM | Updated as of Sep 29 2010 09:30 AM

Kabilang sa dalang pasalubong ni Pangulong Aquino ang mahigit 40,000 trabaho para sa bansa.

Sa pagtataya ng labor department, mararamdaman sa susunod na 3 taon ang epekto ng mga bagong foreign investment at trabaho na karamihan ay mula sa Business Process Outsourcing o BPO industry.

Dahil dito, in-demand na trabaho raw sa susunod na 3 taon ang call center agent, customer service assistant, technical support staff, fork lift operator, accounting clerk, mechanical engineer, sales clerk, driver, cashier at production worker.

"The President looks forward that he could really revive the setup infrastructure for the revival of the economy so that we can generate more jobs and there will be a genuine option to our workers on whether to work here or work abroad," ayon kay DOLE Secretary Rosalinda Baldoz.
 
Tiwala ang labor department na maraming Pilipinong makikinabang dito.

Pero ang problema, hindi raw lahat ng naghahanap ng trabaho ay may sapat na kaalaman at kakayahan para makapasok sa mga trabahong in-demand.

Ayon sa labor department halimbawa, marami pa ring estudyanteng nag-aaral para sa trabahong hindi na gaanong kailangan sa bansa. Kabilang dito ang Nursing na dati’y patok na trabaho.

"Talagang may oversupply na tayo ng Nursing. Nag-decline na yung demand for nurses. It will not be surprising to have our nurses also to land in other jobs," dagdag pa ni Baldoz.

Kaya hiling ng Senado, bumuo ang labor department ng National Skills Registry, isang online database kung saan nakalista ang mga trabahong puwedeng pasukan at mga kakayahang kailangan.

Sinimulan na ito sa website na philjob.net.

"So that kids who graduate from high school and the parents of these kids can have better information as to what jobs are needed by the economy for the next 5 or 10 years," ayon kay Senator Franklin Drilon.

Para sa labor department, ito ngayon ang hamong kakabit ng libu-libong bagong trabahong iniuwi ng pangulo.

- Ryan Chua, Patrol ng Pilipino.