EXCLUSIVE: Aquino sisters defend PNoy vs ‘KKK’

Posted at Jun 21 2011 09:35 PM | Updated as of Jun 22 2011 05:35 AM

Limang puntos din ang ibinaba ng net satisfaction rating ng Pangulong Aquino sa pinakabagong survey ng SWS kumpara sa survey noong Marso.

Isinisisi ito ni Ang Galing Pinoy party-list Representative Mikey Arroyo sa kawalan diumano ng aksyon ni PNoy at sa pagtatakip niya sa mga binansagang “KKK” o kaibigan, kaklase at kabarilan.

Pero para sa magkakapatid na Aquino, hindi kinukunsinti ng Pangulo ang anumang pagkukulang o pagmamalabis ng kanyang mga ipinuwesto sa gobyerno.

“Si Noynoy hindi masigaw na tao. He will not reprimand you in public. Sometimes Noynoy is too polite,” sabi ni Pinky Aquino-Abellada, kapatid ng Pangulo.

“That’s also the leadership of my mom. How can you expect people to have confidence in the people you’ve appointed kung ikaw mismo pinapakita mo na hindi ka bilib sa kanila,” sabi ni Kris Aquino, kapatid ng Pangulo.

Kuwento pa ni Kris, siya mismo'y makapagpapatunay na hindi pinalalampas ni PNoy ang pagkakamali ng kanyang mga opisyal.

“Nandoon kami sa [Bahay] Pangarap, it was a Sunday, may pinatawag na opisyales, harsh and stern words were exchanged. But you don’t have to make that public,” sabi ni Kris.

Dagdag pa ni Kris, mataas ang pamantayan ni PNoy maging sa kanyang pamilya.

“Noong hindi niya aprubado ang pribadong buhay ko, 7 years kaming hindi nag-usap. Kung sa sariling kapatid niya ganoon na, what more ‘di ba,” pagdadahilan ni Kris.

Kinuwestyon din ng magkapatid kung bakit sa libu-libong appointees ng Pangulo, tila pinag-iinitan lang ang ilan na malapit sa kanya. Jing Castañeda, Patrol ng Pilipino