GMA: I won’t get fair treatment under Aquino admin

Posted at Apr 07 2011 11:52 PM | Updated as of Apr 08 2011 01:37 PM

Sa isang exclusive interview, inamin ni dating Pangulong Gloria Arroyo na duda siyang magiging patas sa kanya at sa kanyang pamilya ang administrasyong Aquino.

“Base sa mga nangyayari, hindi. Ngunit mayroon tayong konstitutsyon. Mayroon tayong mga batas na dapat sundin at mayroon tayong mga korte na sila ang magpapatupad sa mga ito,” sabi ni Arroyo.

Kritiko ni Misis Arroyo si Pangulong Aquino.

Sa katunayan, ipinangako ni Aquino sa kanyang kampanya na iimbestigahan at papanagutin niya ang administrasyong Arroyo.

Ang pagbuo sa Truth Commission ang pinakaunang executive order ni Aquino.

Habang nakatengga pa ito sa Korte Suprema, inutusan ng Palasyo ang iba’t ibang ahensya na magsasagawa ng kanya kanyang imbestigasyon.

“We need to still gather evidences. Until such time that we have enough evidence to stand up in court, we will not be filing those cases,” sabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda.

Pero ayaw nang patulan ng kampo ni Misis Arroyo ang mga banat sa kanya.

Sa ngayon, kuntento na siya sa kanyang bagong buhay bilang kongresista at maybahay.

“Alam ko naman na hindi naman permanente ang pagka-presidente. Alam ko naman na darating ang araw na ito. Naranasan ko na rin ito noong ang araw na ang aking ama ay bumaba,” kuwento ni Arroyo.
 
Mas may panahon na rin siya ngayon sa kaniyang sarili.

“Hindi ako nag-face lift. Kung sasabihin mong siyensya, siguro iyong mga hotpack, science iyon. O iyong mga nira-rub sa mukha mo, science iyon in that sense. Pero wala ‘yong mga invasive. May mga what-to-avoid [like] visble fat. I avoid visible fat. Basically that one, pero I really eat one full meal a day,” aniya.

At mula noong Disyembre, marami na ang nakapansin na tila bumata ang dating Pangulo kahit pa ayaw siyang tantanan ng kontrobersiya.

Abangan ang buong panayam sa dating Pangulo sa Patrol ng Pilipino sa susunod na Martes. RG Cruz, Patrol ng Pilipino