EXCLUSIVE: Photos show Ivler 'partying' in jail

Posted at Mar 31 2011 11:04 PM | Updated as of Apr 01 2011 11:25 AM

Lumabas sa Internet ang mga litratong ito ni Jason Ivler na nakakulong ngayon sa Quezon City jail kaugnay ng pagkakapatay kay Renato Victor Ebarle Jr. noong 2009.

Sa mga litrato, kasama ni Jason sa selda ang ina at pinakabatang kapatid.

Sa ilang larawan, naka-dirty finger si Ivler.

May litrato ring kasama niya ang amaing si Stephen Pollard, mga kaibigan at kabanda.

May mga litrato rin na nakikipag-inuman si Ivler na may kasamang babae loob ng selda.

Sa isang video naman, maririnig ang boses ng mga babae. Nahagip din ng camera ang babae sa loob ng selda.

Ayon sa abugado ng pamilya Ebarle, malinaw na nilalabag ni ivler ang patakaran sa kulungan.

"We were very much surprised because that's not ordinary, that an inmate for a high (profile) case... can enjoy such perks of having a party in his cell," sabi ni Attorney Amelita Garayblas, abugado ng mga Ebarle.

Para sa prosekusyon, ang mga litrato at video ni Ivler ay isang patunay na may special treatment sa kanya sa loob ng kulungan.

Pinamamadali na nila sa korte ang paglilipat kay Ivler sa Bicutan detention facility sa Camp Bagong Diwa.

Agad namang bumuwelta ang ina ni Jason na si Marlene Aguilar Pollard.

"There are always parties in jail... Kultura na po diyan, ng jail, 'yan sa Pilipinas," aniya.

Ayon pa kay Marlene, si Jason pa ang inaaya ng mga kakosa tuwing may party sa jail.

"Wala tayong magagawa, hari siya ng selda," aniya. "May mga bilanggo 'dun, naka-tattoo 'yung mukha niya sa mga dibdib nila. Idol si Jason Ivler ng bayan."

Wala rin daw masama sa pagsama sa selda ng kanyang bunsong anak.

Mga babae rin daw ang lumalapit sa anak sa selda.

"Kung ano man ang ibinebentang treatment dun, at kung gusto ng anak ko, kahit sex pa 'yun, I'll pay for it," aniya.

Tuloy naman ang pagsasampa ng reklamo ng mga Ebarle sa Bureau of Jail Management and Penology.
.
Hiningi ng ABS-CBN News ang panig ng Quezon City Jail pero hindi pa rin sila tumutugon hanggang ngayon. Maan Macapagal, Patrol ng Pilipino